Monday, December 29, 2014

Pamumuhay Na Walang Utang: Unang Hakbang Sa Pag-Invest

"Isang tulog na lang, Bagong Taon na naman... 2015!!!"
"Ano naman kaya ang pakulo ni Water Sprite upang mapanatili ang katangiang dyosa n'ya!? Hummmn, malalaman natin..."
Nakapagsimula nang mamuhunan si Water Sprite sa isang mutual fund, mag-iisang buwan na rin ang nakalipas. Ang mutual fund ay isang uri ng investment kung saan ang pera ng isang namumuhunan ay inilagak sa isang institusyon na nangangasiwa kung paano palaguin ang pondo o puhunan ng isang investor (namumuhunan), si Water Sprite halimbawa. Ang isang halimbawa naman ng institusyon na tagapangasiwa ay ang Philequity Fund, Inc. Ang institusyon, sa kabilang banda, ay tumatanggap ng iba pang mga investors na kagaya ni Water Sprite. Ang pondo (na tinatawag na pooled fund) ng isa at higit pang bilang ng mga namumuhunan ay siya namang gagamitin upang ang institusyon ay magawang palaguin ang pera ni Water Sprite at ng marami pang katulad niya. Ang isa sa maraming paraan upang mapalago ang pooled fund ay ang pagbili ng shares ng kumpanya na nabibilang sa PSE (Philippine Stock Exchange).


photo: Better Future as acknowledged [here]

Ang halimbawa naman ng mga kumpanya na nasa PSE ay PLDT, Globe Telecoms, SM, Banco de Oro, Jollibee, DMCI, at marami pang iba. Ang institusyon ay bumibili ng shares ng mga katulad nitong kumpanya, na ang ibig sabihin ay hindi lang sa iisang kumpanya naka nakalagak ang pera ng pooled fund. Kung kaya't ang katulad ni Water Sprite ay maituturing na ring stockholder ng SM o PLDT (kung ang mga iyon man ay napili ng instituyon ni Water Sprite). Palibhasa bago ito kay Water Sprite, nagagalak siya sa kanyang sarili matapos mamuhunan sa mutual fund. Sa puntong ito napagtanto niya na dati, hinahanap niya ang ganitong mga korporasyon para mag-apply ng trabaho ngunit, ngayon ay tila ba bumaligtad ang estado dahil isa naman siya sa masasabing may-ari na ng malalaking kumpanyang ito!
Kung kaya't tuluy-tuloy ang pangarap ni Water Sprite na maging stockholder. Ang maganda pa nito, stockholder siya ng maraming malalaking kumpanya. Ganyan ang pagkilos ng mutual fund. Palibhasa hindi pa siya kuntento sa maliit na halaga ng puhunan nya (sa kasalukuyang sinusulat ito), pagtutuunan niya ng pansin ang mabubuting asal sa pag-hawak ng salapi. Isinaisip at isinapuso niya na...
"Hinding hindi ako mangungutang."

Dahilan Para Hindi Mangutang #1: Nakakasira ng momentum sa pag-iipon ng pera


Hindi naman maaaring pagsabayin ang pag-iipon ng salapi at pangungutang. Umuutang ang isang tao kasi hindi sapat ang budget sa bahay at allowance sa pagpasok bago pa man dumating ang susunod na sahod. Siyento por siyento, walang maihuhulog sa alkansiya dahil nga kinapos. Mabuti kung sa mabuti na may naitabing halaga upang matustusan ang agad-agarang pangangailangan, at sa ganoon ay "uutang" muna sa naitabing pera.

"Eh paano kung wala? Di ba kawawa?"
Tip: Kung sakaling nagalaw ni Water Sprite ang savings na pera niya, sisiguraduhing niyang ibabalik ito sa sunod na pagsahod at may dagdag na 5% interes. Dinadagdagan niya ang laman ng black purse habang binibigyan niya ng consequence ang ginawa niyang pag-utang.



Dahilan Para Hindi Mangutang #2: Nagiging Sobra Ang Paggastos Kaysa Sa Perang Pumasok


Ibig sabihin nito, hindi napangasiwaan ng maayos ang suweldong dumating. Malamang, nagbayad ng inutang na ginawa no'ng isang linggo o noon pang isang buwan, o maraming buwan na ang nakalipas. Kung kaya't walang ibang paraan kundi ang mangutang muli. At palibhasa may nauutangan, hindi na naiisip na napapalaki na ang gastos kumpara sa halaga na dapat lamang gastusin.

Tip: Kapag maiksi ang kumot at nahati pa ito, magtiis sa "kumot" na kasing laki ng lampin.

Dahilan Para Hindi Mangutang #3: Nakakasanayan na ito hangga't nababaon na sa utang


Sa tingin ni Water Sprite, hindi magandang senyales sa uri ng pamumuhay ang pangungutang. Paikot-ikot lang ang pangyayari, mahirap makawala, at ano pa kung ang inutang ay tumatakbo ang tubo kada buwan?
"Uutang ba para pambayad ng utang?"
Ang masaklap pa ay biglang magkaka-amnesia, o kaya ganito:

"Deadmahin na lang, hindi pa siguro kailangan ng pera ng taong pinagkakautangan ko."
Sa bandang huli ay utang na sadyang hindi binayaran.

Tip: Hindi naman totoong kinalimutan ang utang, pansinin mo at wala na siyang lakas ng loob mangutang muli sa iyo.

Dahilan Para Hindi Mangutang #4: Puhunan sa munting negosyo ay pag-ipunan muna hangga't maari


Kung iisipin, wala dapat sa listahan ito, palibhasa para kay Water Sprite, malayo sa pagiging dyosa ang ganyang pagkilos. Halimbawa, nangutang sa micro finance (5-6 sa pangkaraniwang salita). Ano ang panayuan na kikitain ang mas higit pa sa binabayarang interes sa pinagkakautangan? Sana nga pinagpala ang naturang "negosyante", at maalam, masipag, at matiyaga pa upang mabayaran sa tamang oras ang halagang inutang. Kung maiiwasan din lang ay mas mainam.

Kung halimbawa naman ay isang negosyante na may buwanang sahod pa, malamang ay kawani pa ng isang tanggapan at nakapag-loan sa isang institusyong financial ng gobyerno, maaari naman itong isang katanggap-tanggap na pakakautang (para kay Water Sprite) at kung ano mang peligro ang mangyari sa sinimulang negosyo, ang loan ay mababayaran pa rin basta lang patuloy pa rin siyang nagtatrabaho sa dating pinapasukan. Makailang ulit nang nangyari kay Water Sprite ang ganyan, na para bang trial and error, pero okay lang.

Tip: Kung sakaling nag click ang nasimulang negosyo, huwag munang anihin ang tinubo dito. Hayaang gawing puhunan muli ng sa ganoon ang "bilog" na umiikot ay lumalaki ang diameter habang patuloy na umiikot pa.

May mga sasalungat sa sulating ito:

"Emergency kasi, nagkasakit si..."
O kaya naman ay:
"Kailangan kasi, nasira ang...."
Sensitibo naman si Water Sprite, alam niya, napapansin niya ang ganyang pangyayari at katotohan. Kawawa talaga ang nilalang, lalo pa kung walang nakalaang emergency fund o insurance (para sa kalusugan, bahay, o sasakyan). Dalangin ni Water Sprite na ilayo tayo sa ganyang uri ng kapahamakan o dili kaya ay sana may iba pang paraan para makahanap ng pera nang hindi nakapangutang, o ang pinakamahusay ay sana na prevent ang posibleng pagdating ng emergency. Sa ibang pagkakataon, isusulat pa lamang ang mga bagay na tatalakay sa mga usaping kaugnay sa paksang ganito.

Sa pagtatapos ng sulating ito, nais ipahiwatig ni Water Sprite na posibleng maging investor ang isang pangkaraniwang kawani ng paggawa o isang dakilang profesional sa kabila ng katotohanang maliit lamang ang sahod. Kung ang salapi ay napapangasiwaan ng maayos,walang utang na mangyayari lalong lalo na kung gagastos lamang ng ayon sa mas maliit kaysa sa tinatanggap na sahod.

Kung kaya't sa puntong ito ay bumabati si Water Sprite ng...

Happy Comfortable Year 2015 to everyone!

Mabuhay!

Did you like this post? Please share.

3 comments:

  1. Nice article at madaling basahin. Salamat sa pagbahagi ^_^

    http://www.pisoandbeyond.com/2014/04/understanding-mutual-funds.html

    ReplyDelete
  2. DIY investors and expert monetary guides both bombed pitiably from 1998 - 2008. These verifiable occasions and advancements caused a transformation for 'another breed' of investor. https://www.privateequitydubai.com/

    ReplyDelete