Friday, July 27, 2018

Mga Unang Hakbang sa Personal Financial Management at Investing


Isang araw, may isang mabuting netizen sa Facebook na nag-repost ng aking notes tungkol sa investment. In fairness, napakabuti ng kalooban n'ya, si Nocolie, kasi isinulat n'ya ang CTTO (credit to the owner) kasunod ay pangalan ko. Na sense ko na isa rin si Nicolie sa mga ilan-ilang nababagabag sa pangkalahatang mentality ng mga Filipino tungkol sa paghawak ng pera at palagay ko'y na-touched s'ya sa aking naisulat. At nakita kong may nag-react (nag-comment) na isa mula sa mga kakilala ni Nicolie. Parang ganito ang sinabi (paraphrase):

"Hindi ko na kailangang mag-invest. Marami na ako n'yan, nasa inidoro."

Geeez, inidoro pa talaga ang naisip sabihin. Well, hindi na ako nasurpresa kung may mag-react man na ganyan. Magkahalong emotions lang ang sa akin. S'yemre nakakatawa at pwede ko namang hindi seryosohin kung joke man iyon. At least may pumansin at nagbasa sa content na ini-repost ni Nicolie. Sa kabilang banda, iyan ay isa sa masasakit na katotohanan sa marami sa atin. Hindi nila prority ang maglaan ng kaunting tira para sa savings account.


May pang-invest ba ang karaniwang Filipino?

Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang karaniwang kita ng pamilyang Filipino nuong taong 2015 ay Php 267,000.00 sa isang taon. Ang opisyal na ulat ay makikita sa Reference 016-154 ng PSA. Ang isang buwang kita naman ay nasa bandang Php 22,000.00 lamang at ang gastos sa isang buwan din ay nasa bandang Php 18,000.00. Inihayag din ng PSA na sa isang buwan ay may sobrang pera ang bawat pamilya na halagang mula apat na libo hanggang limang libong piso (Php 52,000.00 isang taon) naman.

"Ala eh, saan ga napupunta ang sobrang 4K pesos ni Juan?" 

Gaya ng kakilala ni Nicolie, walang natitirang ipon ang karamihan sa mga kababayan natin. Karamihan ay may utang na binabayaran o yung iba naman ay sa karaoke party gabi-gabi nagagasta. Masayahin kasi sina kumare at kumpare at mahilig silang kumain, sa totoo lang. Mas marami sa kanila ay walang idea kung saan ilalagay ang perang kanilang pinagpaguran.

Just take it from PSA. Sikapin mo sana na meron kang pinakamababang Php4,000.00 (apat na libo) na ititira sa isang buwan. Kung ikaw ay kinsenas-katapusan sumasahod, dapat ay may minimum na 2K pesos (o dalawang libong piso) kang itatabi tuwing payday. Marami sa mga kakilala ko ay higit pa sa beynte mil ang kinikita sa isang buwan at tingin ko ay maliit na halaga lamang ang apat na libong piso para masimulan nila ang idea na mag-build ng Savings Account that is meant to forget tho it is just there.


Baby-steps To Personal Finance

Mayro'n akong suhestyon at sana ay makatulong para ikaw ay magbago ng landas. Tunghayan ang inihanda kong mga unang hakbang para sa maayos na paghawak ng iyong salapi.

1. Mindfulness is the first step to personal finance

Ang mindfulness ay ang estado na ikaw ay aktibo at bukas para sa kasalukuyan lamang. Sa pagiging mindful, maingat mong binabantayan ang iyong isip at damdamin at hindi mo dapat timbangin kung ito ay tama o mali. Hindi mo sasayangin ang panahong ngayon sapagkat buhay na buhay ka para sa ngayon lamang at gising na gising para sa karanasan mo sa ngayon. Hindi ka nananatili sa iyong nakaraan at hindi ka rin nababalisa para sa panahong mamaya o bukas.

Yun bang sa isip at puso mo ay parang wala lang...

Kung ikaw ay nagtitiklop ng damit, sa pagtitiklop lamang ng damit nakatuon ang isip mo at ang damdamin mo ay para lamang sa pagtitiklop ng damit...

Hindi mo iniisip na kanina lamang ay natanggap mo ang bill ng iyong kuryente. Nagtitiklop ka lamang ng damit, nakatuon ang isip mo sa ngayon lamang. Buhay na buhay ka para sa ngayon lamang...

Ang nararanasan mong damdamin ay dulot lamang ng damit na tinitiklop mo sa ngayon. Naaamoy mo ito, nararanasan mo ang amoy ng mabangong sabon sa damit mo...

Hindi mo kailangang mabalisa kung paano paplantsahin mamaya ang damit. Nagtitklop ka lamang ngayon. Gising na gising ka para sa ngayon lamang...

Walang tama at walang mali sa pagtiklop mo ng damit!

Ganyan ang halimbawa ng mindfulness. Walang katuturan ang pag-analyze pati na rin ang pagpaplano kung inilalapat mo ang mindfulness sa buhay mo.

2. Look up to the stars

Hanapin mo ang iyong mga bituin.

"Teka! Teka! Hindi horoscope!"

Ang bituin (o mga bituin) mo ay maaring isang sikat na personalidad sa telebisyon o di kaya ay paborito mong author ng libro. Na-touched n'ya ang buhay mo dahil naging matagumpay s'ya sa paghawak ng salapi. Maaari mo s'yang maging modelo upang matumbasan (kung hindi man mahigitan) ang estadong kanyang narating na.

Subalit mag-iingat ka sa pagtingala sa iyong mga bituin. Ang mga bituin, kung tutuusin ay mga bato rin lang sa iyong paanan. Malayo lang sila sa iyo kaya tila ba sila ay maningning. Hindi sila perpekto at nagkakamali rin paminsan-minsan.

Isa pa, mas mapapahamak ka kung ikaw ay parang tupa na sumusunod lamang sa mga bituin (o leader) na iyong pinaniniwalaan. Ang dapat lamang ay pulutin ang maganda sa kanila tapos re-invent yourself na lang. Gawin mo lang silang reference dahil ang mahalaga ay may ningning ka ring tinataglay!

3. Stay with like-minded people

"Birds of the same feather flock together"

Ang kulturang Pilipino ay napaka-sociable. Madali kang nakakahanap ng mga kaibigan. Hanapin mo ang mga taong may katulad na layunin o advocacy. Kung interesado kang maging investor, may panahon kang makisalamuha sa ibang mga investors. Sa kanila ka makakapulot ng mga best practices na personal na nilang na-develop. Sa mga kwento ng kanilang karanasan ay malalaman mo kung ano ang dapat na iwasan at ano'ng aral ang kanilang natutunan. May mapagtatanungan ka tungkol sa mga resources na wala ka pa, at maaaring masabi nila sa iyo kung saan mo makikita. 

Hindi ko sinasabing umiwas ka sa mga dati mong nakakasamang madalas kesyo hindi nila pinapraktis ang personal finance management o investing. Hayaan mo rin lang sila sa network mo. Kailangan nila ang katulad mo. Kailangan nilang makita kung ano ang ipinagbago sa iyo, at kailangan nila ng impluwensya mo.

4. Create your own equation

"Equation, planning, reasoning..."

Medyo taliwas ito sa step 1 (mindfulness) pero kailangan kasi kung gusto mong ipagpatuloy ang maayos na paghawak ng salapi at pag-invest. Huwag mag-alala. Kung naisabuhay mo na ang mindfulness, hindi iyon mawawala sa sistema mo. Bagkus ay mas magiging epektibo ang equation na gusto mong ilapat sa life-style mo. Synergy ang dapat mong makita. Magkaiba subalit magkatuwang.

Meron ka nang dating sistema na ginagawa sa araw-araw. Hanapin mo kung ano ang dapat na baguhin sa sistema mo. Maging bukas sa bagong sistema at magpasya kung naaayon ito sa layunin mo o hindi.

Halimbawa gusto mong magtipid, pero hindi mo kayang alisin ang dessert na paborito mo...
Kape na may cream na may partner na cake...
At gagawa ka ng bagong sistema. Pwede kayang kape na walang cream na walang asukal na may partner na cake?
Hindi marahas ang pagbabago subalit may naiba naman.

Sa bagong sistema na bubuoin mo, makakaimpluwensya din dito ang mga bagay na nabago sa iyo nuong nasa steps 2 at 3 ka.

Sa quantifiable terms naman tayo. Sa araw ng iyong sweldo, gusto kong magkaroon ka ng equation. Halimbawa ay ganito:

Expenses = Salary - Savings


Una ka nang magpasya kung magkano ang gusto mong halaga para sa savings. Huwag mo munang tingnan ang tungkol sa magiging gastusin mo. Ang "savings" ay gastos din, gaya ng dati kong sinasabi. Gastos pero nasa isang tabi lang pwede mo nang ilagay sa limot. 

"Oy bru, hindi mo sa inidoro ilalagay ang savings na yan, buseeet!"...

Naghihintay ang piggy bank o savings account mo sa banko para dyan. Kung mahirap itong simulan sa halagang 2K pesos (halimbawa 2 beses ka sumusweldo), wala namang magbabawal sa iyo kung mas mababa pa dyan ang kaya mong itabi. Kung 50 pesos lang ang pasya mo, hindi na masama iyan. Ang mahalaga ay nailagay mo sa sistema mo ang savings. Kapag natanggal na ang savings sa bahagi ng sweldo mo, ang natira naman ang magiging budget mo para sa iyong mga gastusin. Sisikapin mong pagkasyahin ang natitira para lamang sa pinakamahahalagang gastusin at hindi mo hahayaang gumastos ng sobra sa natitira. 

Isa pa ay kailangan mo ring pagtuunan ng pansin ang iyong mga utang, kung meron man. Dapat ay mataas ang priority level mo sa pagbabayad ng mga utang at sikapin mong makalaya ka doon.

Para sa may utang, ganito ang maaari mong equation:

Expenses = Salary - Savings - Debt


Priority #1 ang savings. Unang tanggalin sa pay envelop mo ang Savings.
Priority #2 ang utang. Sunod mong tatanggalin ang pambayad sa utang.

Magtiis sa kaunting natitirang pang gastusin. Nauna kang lumigaya nuong umutang ka, mahabang panahon kang miserable. Dapat ay matuto ka.


5. Loop: Do Step #1 Again

Ang isang bata, bago natutong tumakbo ay paulit-ulit munang naglakad. Sa mga unang hakbang ay natutumba ito subalit nakakayanan naman n'yang tumayong muli. Natural n'yang ginagawang muli ang mga dating baby steps.

Dapat lang na ulitin ang unang hakbang, isunod ang pangalawa, at pangatlo, at iba pa.

"Practice makes perfect."



Personal Finance With Mindfulness

Ang pinansyal na aspeto ng buhay natin ay napakahalaga. Ang pera ay hindi masama at hindi rin naman mabuti. Isa lamang itong instrumento na gagamitin mo upang maipatupad ang iyong mga paglikha. Kapag wala kang pera, madali kang kontrolin ng mga mas makapangyarihan. Kung gusto mo ng kapangyarihan, makikipagbakbakan ka para mapasakamay mo ang perang gusto mo. Saan ka tatayo o paano ka lalangoy sa pag-agos ng panahon?

Ang isip at puso, una sa lahat, ay dapat maibalik sa pagiging inosente. Dapat ay maging bata ka ulit. Inosente, bukas (open), handang matuto, madaling turuan, mababaw ang kaligayahan, walang expectations, at mapaglaro lamang. Magiging bata kang muli kung mindful ka lang lagi. Matatagpuan mo ang patag na daan tungo sa Personal Finance at Investing kapag bata kang muli. Walang resistance sa mga ginagawa mo dahil sa ngayon ka lang nakatuon. Walang pakikipagbaka, walang pagpupunyagi (struggle), at saka walang dapat kang patunayan.


Did you like this post? Please share.




No comments:

Post a Comment